Ni Eva Callueng
Sa pagkahaba-habang listahan ng mga epistemikong problema ng bansa, nakikitang ang edukasyon ang isa sa mga pangunahing solusyon na maaring tumugon at bumago sa kabuuang takbo ng pamumuhay, hindi lamang nating mga Pilipino kundi lahat ng nananahan sa mundong ito.
Ang pagbibigay ng malaking pagpapahalaga sa sektor na ito ay sumasalamin kung gaano ka-seryosong tinitingnan ng mga nasa liderato ang mga istratehiya upang tunay na mapalaya sa kahirapan at iba pang sitwasyong nakakaparalisa sa pagsulong ng isang pamayanan. Madalas, ang mga politikal na desisyon, lalo na kung bago sa liderato at may malayong karanasan sa sektor ng edukasyon, ay lubhang nakakaapekto sa paraang nais nating pagkalakihan at matutunan ng mga estudyanteng Pinoy, lalo pa’t kung hindi inaral nang husto ang magiging kabuuang epekto nito sa edukasyon.
Sabi ni Congresman, Utos ni General, May Memo si Sec
Ang kurikulum ay masasabing utak, puso, at kaluluwa ng isang paaralan. Ito ay hindi ang isang pirasong papel na naglalaman lamang ng mga kurso/asignatura na dapat kunin ng mga mag-aaral upang makakuha ng diploma o kurso. Ito ay ang kabuuang plano ng paaralan kabilang ang mga misyon at adhikain nito, maging ang mga rationale at mahalagang koneksyon sa bawat subject. Ang kurikulum ay nakabase sa maraming analisis ng mga sitwasyon o kalagayang meron sa naturang pamayanan. Madalas, ang pilosopiyang gumagabay sa bawat paaralan ay siya pang pangunahing nakakalimutan dulot na rin ng hindi lubusang pagkaunawa sa bahaging ginagampanan nito.
Sa pagpapalit ng administrasyon, madalas tinatayang ang nilalaman ng mga kurso ang may kinalaman sa mababang grado ng isang estudyante. Tinataya ring ang pagpapalit, pagbabago, at pagdadag nito ang solusyon sa malaking gap sa teorya at praktika.
Ang pinakamahirap na sitwasyon na maaaring kaharapin, higit lalo ng mga guro at estudyante, ay ang kagyat ng mga pagbabagong hindi dumaan sa prosesong inaaral naman sa eskwelahan. Sa mababang baitang, maagang inaral natin ang kahalagahan ng lohika, ang mga pattern gamit ang mga domino, at maging ang scientific methods na ating batayan sa pagdidiskubre ng mga nais bigyan ng kasagutan at solusyon. Dito nating natutunan ang mahahalagang konklusyon lalong higit ng pangangalap ng ebidensiya upang suportahan ang ating mga hypotheses.
Ito ay binali ng marami at nakakalilitong programa para sa ‘pagbabago’ dahil madalas, nalalampasan ang isang pantay na mahalagang bahagi—ang koleksiyon ng mga datos. Dagdag pa dito ang mabilisang pagpapasa ang mga resolusyon, memorandum na dumaragdag sa maraming aspeto sa sektor na nangangailangan ng taimtim na pag-aanalisa. Ang mga politikal na desisyong ito ay nagamit sana sa higit na epektibong paraan upang tugunan ang mga isyung may kinalaman sa kurikulum na ginagamit sa lahat ng panig ng bansa.
Dagdag-Bawas
Isa sa maraming pagsusuri ng mga guro at yaong mga nasa posisyon kung bakit mababa ang ‘retention rate’ ay dahil information overload diumano ang mga mag-aaral sa dami ng mga impormasyong kaya niyang itimo sa isip. Karaniwan nating nasasaksihan ang mga batang mag-aaral sa primary level na halos kuba na sa dami ng bags dahil sa mga libro at notebooks na dala. Ang ganitong eksena ay hindi ganoong kalaking isyu sana lalo pa’t nakaabang naman ang mga magulang o guardian sa pagbubuhat (literal at metaporikal) sa mga dalahing ito. Subalit ito ay bagay na kagyat na tinugunan sa pagpapalit ng ‘course content’ sa kurikulum. Bagaman maaaring totoo nga ang pagiging ‘overload’ ng kurikulum at nagngailangan ito ng malawakang pagtataya, mahalaga ring tingnan ang iba’t-ibang elementong nakakabit sa pagiging ‘overload’ nito tulad ng subject load ng guro, methods at techniques na ginagamit sa pagtuturo nito, rationale sa bawat oras na inilaaan sa isang asignatura na ilan lamang sa mga elementong maaaring may kinalaman sa mababang ‘achievement rate’ ng mga bata. Ang pagtataya sa iba’t ibang rehiyon ng bansa ay magandang aralin sana upang malaman na maaaring ang pagbabagong nais gawin (sa kabuuan) ay hindi epektibo sa ibang panig ng mundo. Maaaring ang ibang elementong nabanggit na may kinalaman sa ‘overload’ ay mahusay na nagagampanan at nagreresulta mahusay din namang resulta. Ibig sabihin, ang pagdadagdag-bawas ay pwedeng hindi palaging epektibo sa lahat ng lugar, sa lahat ng pagkakataon.
Honesty is the Best Policy
Sabi ni Ma’am, “Honesty is the best policy.” Nakalagay pa nga iyon sa taas ng blackboard gawa sa ginupit na papel. Pero bakit nung may Achievement Test ang iskul, binigay ang sagot sa mga kukuha. Sinasaulo nila ang mga sagot. Para saan ba ang mga test na iyon? Naalala ko pa nung bata ako may random sampling ang mga mag-eexam, pina-exam ako ng guro gamit ang ibang pangalan. Kunwari ako yung napili, ganun din yung mga katabi kong nag-eeexam. Huwad na mga pangalan ang gamit. Nalito ako. Tinitigan ko nang matagal ang nasa taas ng blackboard. Hindi naman pala totoo ‘yun.
Malinaw na malaki ang problema ng bayan na hawig sa karanasang ito. Bagaman hindi tinuturo sa atin ang pagnanakaw at mali ang pagsisinungaling, magandang tingnan kung tumutuloy ba sa pagsasagawa ang mga natutunan. Tila may mga bagay pang mas higit na nangangailangan ng solusyon kumpara sa pagdadagdag bawas sa nilalaman ng bawat kurso. Maaring may pangunahin pang problemang dapat solusyunan, o kung hindi man mabawasan. Bakit hindi nating subukang taasan ang pondo sa edukasyon? Yung totoong magagamit talaga yung pondo para mapag-aralan ang maraming sitwasyong inirerekomenda natin sa bawat katapusan at action plans ng konperensiya, diyalogo at forum na pinupuntahan. Bakit hindi natin ito subukan upang ang mga mahahalagang desisyon sa sektor na ito ay totoong kinatawan ng resulta nang masusing pag-aaral na siyang ating gabay sa walang humpay na pagtuklas ng kaalaman tungo sa tunay na pagbabago? Try lang…