Ngayong tapos na ang halalan, nagwagi naman ba ang mga kandidato mo? Sa dinami-dami ng mga pinagpilian (nanalo man o hindi natalo), tayo ay nagnanais na bitibitin ng mga nagwagi ang mga adbokasiyang ating naging tuntunan sa pagpili ng mga kinatawan.
Kaliwa’t kanan ang mga aktibidades na nakalinya upang tuluyan natin silang yakapin sampu ng mga pangako nila noong nangangampanya. Subalit ang higit na mahusay ay ang mga grupong patuloy na nagbabantay kahit tapos na ang halalan. Bagay na mahalaga upang siguraduhing tutuparin ang mga pangakong nauna nang nabanggit noong mga panahong nililigawan nila tayo para makamit ang matamis na boto.
Ang grupo ng Mulat Pinoy ay patuloy na nagbabahagi ng mga ulat-impormasyon ukol sa iba’t ibang isyung ating kinakaharap lalo na sa usaping populasyon at pagbabago. Nais ng grupo na bigyan ng kapangyarihan sa pamamagitan ng edukasyon at makabuluhang talakayan
ang mga Pinoy sa tulong na rin ng Internet. Naglalayon itong malaman at ipaalam ang sasabihin ng mga kandidato sa bawat isyung kinakaharap ng bansa, lalong higit sa usaping Population and Development (PopDev). Ang mga kaganapan at paligsahan ay inihahandog ng Probe Media Foundation, Inc. (PMFI) sa tulong ng Philippine Center for Population and Development (PCPD).
Sa nakalipas na linggo, natapos at mahusay na pinanood at pinili ng mga eksperto sa usaping PopDev ang mga nagwagi sa Pop-I Video Contest kung saan in-upload ang mga entries sa www.youtube.com upang alamin ang dating sa mga Internet users. Dalawang katanungan ang nakatanggap ng iba’t-ibang sagot, iba’t-ibang opinyon base sa kani-kanilang pagpapahalaga.
Sinasabi na ang populasyon ang siyang tinitingnang pangunahing elemento kung saan nakaugnay ang iba pang mga sistema tulad ng edukasyon, pangangalakal, ekonomiya, kalusugan at iba pang mga sektor. Sa bansang tulad ng Pilipinas, ang populasyon ay isa sa mga maiinit na isyu, katulad ng mga panguhanahing pangangailangan, pagkain, pabahay, edukasyon na hindi pantay-pantay na natatamasa ng isang karaniwang pinoy. Ang iba pang panlipunang kalagayan tulad ng kahirapan, kagutuman, usaping gender, at pangangalaga ng kalikasan ay nakaangkla sa paglaki ng populasyon sa isang bansa.
Ang pagiging mulat ay isa lamang hakbang. Ito ang panahon upang buksan ang ating isipan sa bagong landas tungo sa paghahanap ng solusyon at paglutas sa mga problemang panlipunanag ating binabagtas. Nasa ating mga kamay ang kasagutan, nasa ating henerasyon ang pagbabagong magdudulot ng mas maligaya, maliwanag at maunlad na bukas.
Ang mga contestants, bloggers, partner organizations, maging mga kaibigang sumubaybay sa mga Kapihan Session ng Mulat Pinoy, ay iniimbitahang dumalo sa Awarding Ceremony na gaganapin sa ika-26 ng Hunyo, 2010 sa ganap na ika-4 ng hapon hanggang ika-7 ng gabi sa Anabel’s Restaurant sa Tomas Morato, Quezon City. Gagawaran ng pagkilala ang mga napiling gawang Pinoy na sumagot sa mga tanong na ito: Masusunog ka basa impyerno kapag gumamit ka ng condoms/pills? Sa dami ng tao sa Pinas, paano ka makakakuha ng trabaho?
Sa pagitan ng bawat bahagi ng programa ay magkakaroon ng kapana-panabik na Trivia Question and Answer Portion kung saan mananalo ng iba’t ibang premyo ang mga magsisipagdalo. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang Mulat Pinoy Website sa www.mulatpinoy.ph o mag-email sa [email protected]. Kita-kita tayo!