Talaarawan ni Liwliwa Malabed, ika-10 ng Mayo 2010

MP-KNN teamNews ArchivesLeave a Comment

8:00 ng umaga

Kahit inaantok pa, sabik kami’ng naglakad ng kapatid ko papuntang UP Integrated School upang bomoto. Kalat sa kalsada paikot ng eskwelahan ang mga flyers at sample ballots na bagama’t bawal ay pinapamudmod pa rin sa mga botante. May nakasalubong kami’ng lalake—pumulot siya ng isang sample ballot at pinampunas sa kanyang kanang hintuturo na may marka ng indelible ink. Nabuhayan ako ng loob. Sabi ko sa sarili—maaga siya’ng natapos, mabilis siguro.

Nawala ang kasabikan nung pumasok kami sa paaralan. Magulo. Mga pilang paikot-ikot—
animoy mga ahas, na di mo mawari kung saan ang ulo at buntot. Dumiretso kami sa klasrum kung saan kami dati bumoto nung nakaraang eleksyon. Syempre iba’ng precinct number ang nakalista dun. Kaya inisa-isa namin ang lahat ng silid-aralan, nakipagsiksikan, upang matagpuan ang aming presinto (wish ko lang, sana may mapa o kahit man lang listahan ng mga presinto at kung saan sila’ng silid-aralan naka-assign). At nung makumpirma at makita ang aming mga pangalan sa listahan, napanganga naman at nadismaya sa haba ng pila.

9:00 ng umaga

Maaga pa, tagaktak na ang pawis namin. Paano ba naman, para kami’ng nagfla-flag ceremony dahil ang pila namin ay direktang nakabilad sa araw. Naisip ko, sana naligo muna kami para presko (pero sagot ng isip ko, wala di’ng kwenta kasi mag-aamoy araw din agad!) o kahit man lang nag-agahan bago pumunta dito (wala man lang kami’ng baong tubig!). Yung mga kasabayan namin sa pila, maganda ang training sa boy/girl scout. Yung isa may dalang payong, yung isa may Coleman na pinagpapawisan ng butil-butil na malamig na tubig, at yung mama may bitbit na upuan at libro. Sa isip-isip ko, di ako maiinggit kasi uusad din ang pila ng mabilis (automated na e, dapat lang!).

10:00 ng umaga

Usad-pagong. Hindi, usad-suso. Mali— kasing-bagal ng pag-usbong ng naghihingalong damo sa ilalim ng tsinelas ko. Ganun ang pila namin. Umalis ang kapatid ko para bumili ng pagkain, pampalipas gutom. Mukhang matatagalan pa kami dito. Bakit yung presinto sa tabi ko, walang pila? May numero silang binibigay tapos tinatawag na lang ang mga pangalan. Bakit yung amin, hindi ganun? Hindi pala pare-pareho ang sistema. Mukhang mas maganda yung kanila. Bumalik ang kapatid ko at kumain kami sa pila. Chicken sandwich at mineral water. Dumating ang orgmate ko nung college kasama ang nanay niya at mga kapatid. Kinumpara namin ang karanasan nung huling eleksyon kung saan wala pang isang oras, tapos na kami sa pagboto.

11:00 ng umaga

Tinitipid ko ang bote ng mineral water, pero yung mama’ng may Coleman, binubuhos ang tubig sa batok at ulo. Kasi naman, sobra’ng init! Yung tubig ko, pwede na yatang pangkape o pang-foot spa! Bumuo kami ng kapatid ko ng sistema. Every 15 minutes, salitan kami sa pila habang yung isa, sisilong muna (kung di namin ginawa ito, siguro nahimatay na kami pareho). Kahit sa silong, mainit dahil siksikan ang mga tao. Lumabas muna ako at nagpahinga sa ilalim ng punongkahoy. Sana mas maaga kami nagising, e di sana nasa bahay na—sa tapat ng bentilador, full blast. Anong oras kaya pumila yung lalaking nakasalubong namin kanina? Siguro, alas-5 ng umaga, nandito na siya. Nakita ko’ng pumasok ang aming landlord. Mukhang presko pa at bagong paligo. Sa ibang presinto siya dumiretso. Teka, bakit mas maigsi ang pila nila?

12:00 ng tanghali

Kumakalam muli ang sikmura. Inabot na kami ng tanghalian, tatlong dipa lang ata ang iniusad ng aming pila. Walang biro. Bumili ang kapatid ko ng barbecue, kanin at buko juice. Umupo kami sa lupa, pumwesto sa tapat ng anino ng mga tao at kumain. Isipin ko na lang, nagpi-picnic kami. Low batt na ang kapatid ko, gusto nang umuwi. Sabi ko, sayang naman yung pila namin. Sinilip ko yung presinto ng landlord ko. Di ko na siya makita. Siguro di na natiis ang pila at umuwi na. Yung babae sa unahan ko, umalis na rin e. Kawawa yung mga matatanda at yung mga may bitbit na bata. Naisip ko tuloy, minsan talaga, parusa ang maging Pilipino.

1:00 ng hapon

Dahil kasagsagan ng init ng araw, mainit na rin ang ulo ng mga tao. Gusto ko sanang ayusin ang pila at ilagay sa lilim. Tiyempo nama’ng may lumabas sa klasrum at pinagilid ang mga tao para makaiwas sa init ng araw. Para’ng baliktad na letrang L na ang pila namin. Nasilip ko ang ilang silid-aralan, di kasing dami ang mga tao. Yung isa nga, mangilan-ngilan ang botante. Kung anu-anong tsismis na ang nakarating sa amin kung bakit mahaba ang pila namin. Kesyo tatlong marker lang daw ang pinagpapasapasahan sa loob. May sira daw ang PCOS machine. Nag-iisa lang daw ang kinatawan ng Board of Election Inspectors o BEI. Nagrereklamo na ang mga tao. Bigla’ng nagsibalikan sa dating pila na tuwid (sa ilalim ng matinding sikat ng araw) dahil nanganak daw ang pila at may mga bagong dating na nakasingit. Paliwanag naman nila, kanina pa sila nandun pero isa lang ang pumipila para sa kanila. Samakatuwid, maaring ang isang tao dun ay pumipila para sa kanyang buong pamilya.

May nag-aaway na. Yung lalake, inakusahan yung ale na sumisingit. Sigawan, tapos umiyak na yung ale. May lumabas uli sa klasrum, pilit sila’ng pinag-aayos. Yung ale, medyo matanda na, iyak nang iyak. Pinapauna na sya bumoto kasi senior citizen na daw. Pwede pala yun e bakit di sinabihan yung mga lolo at lola na kanina pang nakapila? Pati daw buntis pwede na mauna. Magpanggap kaya akong buntis? Wag nalang, medyo malapit na rin kami sa unahan ng pila.

2:00 ng hapon

Kahit abot tanaw na ang klasrum, mabagal pa rin ang usad namin kaya yung babae sa likod ko, pumunta sa PPCRV desk para ireklamo ang presinto namin. Iniwan ko naman ang kapatid ko para sumilip sa klasrum. May pila rin pala sa loob ng silid-aralan, paikot. Tinanong ko yung isang volunteer, wala naman daw diperensiya ang PCOS machine at sobra-sobra pa daw ang markers dila. Dalawa rin ang BEI na nakatalaga. Inisip ko na lang, pito’ng presinto ang pinagsama-sama sa klasrum namin kaya ganun. Pwede ring malaki lang talaga ang voter’s turnout sa ‘min (o malas lang talaga ako).

Maya-maya pa, nakapasok na rin kami sa silid-aralan. Bumalik ang kasabikan, napawi ang inis, bumaba ang mga kilay at napabuntong-hiniga ang mga kanina lamang ay nakasimangot . May mga nagbibiruan pa. Pero kinabahan pa rin ako na baka i-reject ng machine ang ballot ko. Magwawala siguro ako nun—pumila ka ba naman pagkatagal-tagal sa ilalim ng araw tapos isusuka lang ang boto ko?!

Medyo nalito ako nung papilahin kami dun sa upuan ng mga kasalukuyang bumoboto. Ayun tuloy, yung mga may balota na, sila pa ang walang pwesto. Walang kwenta yung mga folders, di naman natatakpan ang balota tsaka yung mga nakapila sa loob ng klasrum, kitang-kita yung iniitiman ng botante. May lolo sa tabi ko, lumalagpas sa oval. Gusto naming tulungan pero bawal daw sabi ng mga volunteers. Sinabi namin sa BEI at pinapunta sya sa harap para i-assist ng BEI. Kaso, dahil naka-tuon ang pansin ng BEI kay lolo, nainip na naman ang mga tao. Yung babae kanina na nagreklamo sa PPCRV desk, lumapit at nag-volunteer na mag-assist kay lolo. Pumayag naman ang BEI.

Pagkakuha ko ng balota ko,nilabas ko ang aking listahan at buong ingat kong initiman ang mga oval na katabi ng mga napiling kandidato. Nung ipasok ito sa PCOS machine at may lumabas na CONGRATULATIONS! napalundag ako sa tuwa.

3:00 ng hapon

Lumabas kami ng kapatid ko sa klasrum at naglakad pauwi. Mas manipis na ang bilang ng mga tao kumpara kaninang umaga. Pagdaan namin sa Sunken Garden, tumambad ang mga banners ng mga karaniwang bayani ng ating panahon: mga musikero, guro, health workers, kasambahay, kabataan at iba pa. Naisip ko, bawat isa sa mga bumoto ngayong araw ay bayani. Masusungit, mga amoy-araw at mga reklamador pero, bayani pa rin.

P.S.

Pagdating sa bahay, nalaman ko na yung landlord ko ay nakaboto sa loob lamang ng isang oras at yung housemate naman namin, sa loob ng 15 minuto!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *