Ni Eva Callueng
Sa kauna-unahan at makasaysayang pagsailalim ng bansa sa Automated Elections ay nakibahagi ang iba’t ibang sektor sa lipunan upang saksihan at siguraduhin ang tagumpay nito. Kabilang na sa mga grupong nakiisa sa kabila ng matinding sikat ng araw at tagaktak na pawis ng mga botante ay ang mga Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) Volunteers mula sa iba’t ibang diyosesis sa bansa. Bilang lehitimong citizen’s arm sa bawat presinto, masusing binantayan at pinangalagaan ng mga responsable sa botohan ang ating mga balota.
Kaliwa’t kanang Educational Discussions ang isinagawa upang siguraduhing maalam ang mga volunteers sa halalan. Ang mga pagsasanay naman na pinangunahan ng mga diyosesis ay masiglang dinaluhan ng mga volunteers upang kagyat na tumugon sa mga tanong na maaring harapin ng bawat isa. Totoong hindi naging madaling sagutin ang maraming katanungang nabuo sa isip ng ating mga kababayan na may kinalaman sa pagsasa-awtomatiko ng halalan. Karamihan sa pangamba at agam-agam ay ang posibilidad na pagpalpak nito gaya na rin ng mga naunang naipapalabas sa telebisyon na siyang pinakamaimpluwensiyang uri ng media sa bansa.
Sa pangunguna ni Ambassador Tita deVilla at sampu ng mga kaparian at parishioners, maayos na naihanda ang mga nagboluntaryo simula pa lamang sa Voter’s Education Forums, Testing and Sealing at maging sa araw ng halalan. Karamihan sa mga problemang inilapit ng mga tao sa PPCRV desks na nakatalaga sa bawat Voting Center ay ang paghahanap ng Clustered Precinct na kinabibilangan. Marami-rami din ang dumulog sapagkat ang kanilang mga pangalan ay hindi mahanap at hindi nakalista, pero kasali pa rin sa listahan ang pangalan ng mga taong pumanaw na. Ang lahat ng ito ay ilan lamang sa mga katanungang tumambad sa mga boluntaryo na kagyat na tinugunan sa abot ng kanilang kaalaman. Ang mababang ulat ng kaguluhan sa kabuuang bansa ay ikinatuwa ng lahat bilang indikasyon ng kahandaan ng lahat ng sangay ng gobyerno at pribadong sektor, lalung-lalo na ng mga nakibahagi sa PPCRV.
Sa suma total, naging kapana-panabik ang karanasang ito bunga na rin ng pagkakaisa ng mga parishioners upang tugunan ang mahalagang responsibilidad na iniatang sa sektor. Hindi alintana ang pagod at puyat ng bawat isa sapagkat ang lahat ay ganado sa kontribusyong naibahagi, hindi lamang sa parokyang nakasasakop kundi maging sa buong bansa. Ang tagumpay ng nakaraang halalan ay tagumpay na rin ng mahalagang tugon ng PPCRV sa tawag ng tungkulin ng Lumikha at ng Inang Bayan. Ang tungkuling ito ay walang sawang tutugunan bilang pagbahagi ng pag-ibig nating mga Pilipino, isang uri ng pag-ibig na natural at totoo.