Sa bansang katulad ng Pilipinas, hindi mo pwedeng isantabi ang malaking impluwensiya ng relihiyon sa maraming bagay na may kinalaman sa pang-araw-araw na pamumuhay. Mula pa lang sa pagkapanganak ng isang tao kung saan ang karamihan ay unang-unang isinasaalang-alang ang binyag o kung anumang katumbas na ritwal sa anumang denominasyong kinabibilangan. Sa pagkamatay naman, nakabase pa rin sa paniniwala ng namatay ang paraan ng paglibing na gagawin sa kanyang katawang lupa sang-ayon sa kanyang kinabibilangang relihiyon. Malinaw ang bahaging ginagampanan na ito ng relihiyon sa buhay ng isang karaniwang Pinoy. Dagdag pa dito ang laki ng impluwensiya nito sa paniniwala sa paggawa at pagpasa ng mga batas na siyang magiging panuntunan ng mga Pilipino.
Ang nakaraang Kapihan na tumalakay sa kasalukuyang estado at relasyon ng Populasyon at Relihiyon ay dinaluhan ng mga kandidato mula sa Ang Kapatiran Party: sina Vice Presidential bet Atty. Dominador ‘Jun’ Chipeco at Senatorial bet Councilor Reginald Tamayo. Ang mga resource person naman ay sina Fr. Melvin Castro at Prof. Linda Valenzona ng Episcopal Commission on Family and Life, Dr. Zelda Zablan ng UP Population Institute, Atty. Clara Rita Padilla ng EnGendeRights, at Ms. Elizabeth Angsioco ng DSWP. Bawat panig ng argumento ay malinaw na pinalamanan ng mga datos upang higit na maging kapana-panabik ang bawat isyung nakadikit sa usaping Populasyon at Relihiyon.
Sa kaliwa’t kanang caucus o sortie ng mga kandidato, tila naging basehan na ng botanteng Pinoy at ikinokonsidera ang relihiyong kinabibilangan ng kandidato. Pinaniniwalaan na ang kanyang relihiyon ay basehan ng kaniyang mga polisiya at adbokasiyang dadalhin sa gobyerno sa panahong siya ay maluklok sa posisyon. Lubhang mahalaga na malaman ng taumbayan ang kanyang posisyon lalong higit sa mga isyung may banggaan ang relihiyon o simbahan at gobyerno. Sa diskusyon ng relihiyon, hindi mawawala ang panukalang Reproductive Health kung saan masusing pinakikinggan ng taumbayan ang bawat salitang binibitawan ng mga kandidato pabor man o tutol sa isyung ito. Kamakailan lamang ay naging mainit sa mga balita ang endorsong ibinigay ng Kalihim ng Kalusugan na si Sec. Esperanza Cabral kaugnay sa paggamit ng condom at iba pang modernong paraan ng pagpapaplano ng pamilya. Ang isyung ito ay mahigpit na tinututulan ng simbahan kung saan ang posisyon ng magkabilang panig na nagbabanggaan ay muling narinig at nasaksihan sa kamakailang Kapihan.
Gaya ng inaasahan ang magkabilang panig ay nagbahagi ng kani-kanilang posisyon sa ispesipikong isyung lumulutang sa tuwing pinag-uusapan ang relihiyon at populasyon. Ang Reproductive Health Bill 5043 ay nagdudulot ng malinaw na pagpapahalaga ng bawat kandidato habang taimtim na pinagninilay-nilayan ang posibleng implikasyon nito sakaling pumasa o tuluyang maibasura ng mga mambabatas. Ang posisyon ng simbahan ay nananatiling solido mula pa noong ito’y unang binasa sa Kongreso. Mangilan-ngilan din sa mga kasalukuyang kandidato ang tahasang nagsasabing tuluyang susuportahan ang pagbasura dito. Samantala, nauna nang naipahayag ng grupo ni Beth Angsioco ng DSWP na susuportahan nito ang mga kandidatong magsusulong sa pagpasa nito. Ang Atty. Chipeco at Coun. Tamayo ay ilan sa mga tumututol sa panukalang ito, na malinaw na ipinahahayag ng kanilang Partido sa kanilang mga kampanya. Si Prof. Valenzona ay nakikibahagi sa paniniwalang ito bagay na kaiba sa posisyon ni Dr. Zelda Zablan na kaparehas niyang nagtuturo sa Unibersidad ng Pilipinas.
Puno ng impormasyon at istatistika ang ibinahagi ng magkabilang grupo sa pangunguna nila Atty. Padilla at Ms Beth para sa sang-ayon na posisyon, at Prof. Valenzona at Fr. Casto ng ECFL sa pagtutol. Kabilang sa mga argumento ay ang paggamit ng condom kung saan nabanggit na wala namang batas na nagbabawal dito at hindi na kailangan ng RH Bill sapagkat ito naman ay ginagamit na sa bansa. Ito ay matamang pinabaulaanan sa kadahilanang nangangailangan ang bansa ng mas matibay na pwersa (RH Bill) na siyang magseseguro na tunay na natatamasa at naibibigay sa bawat pamilyang Pinoy ang kanilang karapatan sa impormasyon at access o pintuan sa mga modernong pamamaraan ng pagpaplano ng pamilya.
Malaking bahagi din ng oras ang iginugol sa argumento ng pagiging abortifacient diumano ng ilang pildoras. Ito ay bagay na parehas na tinutulan ng grupo. Sang-ayon ang lahat at nakikiisa na ang aborsyon sa kabila ng dami ng kababaihang sumasailalim nito taun-taon ay labag sa saligang-batas kung saan maulit ding nabanggit na walang bahagi ng RH bill ang tumutukoy sa paglelegalisa ng aborsyon. Binigyan din ng diin ang kahalagahan ng implikasyong idinudulot sa tuwing tinatawag na ‘pro-life’ ang mga anti-RH kung saan nililinaw ng mga sumusuporta sa panukalang ito na sila ay hindi anti-life bagkus ay pro-quality of life.
Bagaman ang lahat ay isinasaloob na magkaroon ng unawaan ang magkabilang grupo na sumasalamin sa mas malalaking grupong kinakatawan ng bawat isa sa bansa ay nagtapos naman ang Kapihan Session na nananatili ang paggalang sa paniniwala at pagpapahalaga ng bawat isa. Kulang ang dalawang oras sa tensyonadong kapaligiran subalit kalmadong pamamaraan ng pagpapahayag upang lubusang masakop ang iba pang isyu na may kinalaman sa laki ng impluwensiya ng relihiyon sa wika at batas ng tao. Bilang pangwakas na pananalita, sinabi ni Fr. Melvin na ang simbahan ay nariyan lamang upang magdasal at magbigay payo at direksiyon sa mga tao tungo sa kabanalan. Hangad nila na maging maayos ang bawat desisyon ng gobyerno lalo pa’t ang batas ng tao ay siyang gagabay sa pang-araw araw na pamumuhay ng tao. Sa kabilang banda, ibinubulong ng bawat isipan na sana’y magkaroon ng kaisahan ang parehas na wika at batas nang sa gayon ay maiwasan at tuldukan naang kaguluhan at kalituhan sa bahagi ng mga taong tunay na naapektuhan ng mga isyung saklaw sa Kapihang ito. Ang wika ng relihiyon ay nagpapatuloy at nasa atin ang pasya kung ito’y ating pakikinggan, isasantabi pansamantala o hahanapan ng puntong maaaring pagkaisahan. Ang pasya ay nalalapit na at sa araw na iyon ating malalaman ang naging hatol ng karamihan.