Ni Eva Callueng
Kamakailan lamang ay naglunsad ng isang programang tatalakay sa estado ng kalusugan sa bansa ang Philippine College of Physicians noong ika-16 ng Marso sa Medical City, Ortigas. Dinaluhan ito ng mga midya, sektor pangakalusugan, kabataan at mga estudyante.
Sa siyam na kandidato sa pagkapangulo, apat ang napili ng Philippine College of Physicians na mabigyan ng pagkakataon na mapakinggan ang kani-kanilang mga plataporma, partikular na sa isyu ng kalusugan. Ang pagtitipon, na live na naipakita sa telebisyon sa tulong ng ANC, ay naging kapana-panabik dahil sa pagdalo ng dalawang kandidatong nagbigay ng panahon upang buong tapang na sagutin ang mga tanong ng bayan sa larangang ito.
Hindi matatawaran ang galing nila LAKAS-KAMPPI Presidentiable Gilberto ‘Gibo’ Teodoro at Bagumbayan Presidential bet Richard ‘Dick’ Gordon, hindi lamang sa pagsagot ng mga tanong, kundi ang mismong kanilang pagpunta sa mahalagang araw ng debateng ito. Malaking ‘pogi points’ kumbaga ang nakuha ng dalawa noong gabing iyon. Kabilang sa mga seryosong paksang tinalakay ng araw na iyon ay ang isyu ng access sa mga pangunahing pangangailangan pangkalusugan.
Binigyang pansin ang lumulobong populasyon ng bansa kung saan malaking bahagi nito ang walang kakayahang makapagbayad ng doktor na titingin sa panahong sila ay maysakit o karamdaman. Ang halaga ng gamot, bagaman kagyat na bumaba bunga ng mga ipinatupad na batas na may kinalaman dito, ay malayo pa rin sa kinikita ng mga multi-internasyonal na kumpanya ng gamot na nasa bansa at sa pang-araw na araw na kita ng isang ordinaryong empleyado. Matibay na binigyan ng pansin ang mahalagang koneksiyon ng maayos na kalusugan at malusog na pamayanan.
Ang ehekutibong politikal na karanasan ni Gordon sa mahabang panahon ay nagpatibay sa kanyang paniniwala na nararapat lamang bigyan ng mas mataas na sahod ang mga doktor at nurses na siyang ipapadala sa mga probinsiya. Ang katotohanang ang karaniwang dahilan ng pagkawala ng mga doktor at nurses sa mga barrio at probinsiya ay ang kawalan ng maayos na kabuhayan ay nararapat bigyan ng pansin na siya ring sinususugan at pinaniwalaan ni LAKAS KAMPPI bet Gibo Teodoro. Dagdag pa ni Gibo, napakahalagang pagtibayin ang aspetong ito upang tiyak na may doktor na mangangalaga sa bawat Pilipinong nangangailangan ng serbisyong ito.
Ang isyu ng Reproductive Health Bill bilang isa sa pinakamainit na isyu sa kasalukyan na siyang nagiging batayan ng maraming tao sa pagpili ng kandidatong iboboto ay hindi nakalusot ng gabing iyon. Habang si Gibo ay matibay na sumusuporta sa pagpapalawig ng mga pagpipilian ng mga mag-asawa at indibidwal na Pilipino sa isyu ng pagpaplano ng pamilya, si Gordon ay may kaibang posisyon sa isyung ito at nagsabing kaya naman ng bansa na tustusan ang pangunahing pangangailangan kung tunay lamang at produktibong nagagamit ang pambansang budget na nakaukol dito.
Sa kabuuan, naging kapana-panabik ang talakayan bunga ng hindi nagkakalayong posisyon ng dalawang kandidato sa halos lahat ng isyu liban sa RH Bill. Ang dalawang pinakamatatas sa pananalita ng kandidato sa pagkapangulo ng bansa ay siguradong nakakuha ng mga boto na siyang magluluklok sa pinapangarap na posiyon. Makatas ang nilalaman ng bawat salita at matinik na pinag-isipan ang isasagot upang higit na kumbinsihin ang mga nakikinig, hindi lamang sa maaliwalas na auditorium kundi sa ilang libong nakaantabay sa kanilang sasabihin na matamang nanonood sa telebisyon.
Apat na imbitado sa pagkapangulo, dalawa ang pumiling dumalo upang makamit ang iisang posisyon sa pagkapangulo. Sino kaya sa kanila ang makaka-kamit ng iyong matamis na oo na siyang magdadagdag sa larangan ng paramihan ng boto?
Masarap makinig noong mga oras na iyon. Kanya-kanyang opinyon at ang lahat ay may siguradong tantos, subalit pagkatapos naging mas mahirap sapagkat maiisip mo kung gaano kaimportante ang iyong nag-iisang boto. Boto na siyang guguhit sa landas na tatahakin, hindi lamang sa sektor pangkalusugan, kundi sa lahat ng may malaki ang kinalaman sa paghulma ng iyong pagkatao.