Ni Liwliwa Malabed
Sa Pilipinas, bawal magkasakit. Katakot-takot kasing gastusin ang bubulaga sayo. Andyan ang mala-gintong presyo ng gamot, ang patong-patong na consultation fee at professional fee ng mga doctor, mga lab fee, at syempre pag naconfine ka, bayad sa kwarto at swero. Naghihingalo ka na nga, makukunsumi ka pa kung saan huhugutin ang pambayad sa lahat ng ito. Kaya maraming Pinoy, pag may nararamdaman, di nalang ito pinapansin at umaasa nalang na mawala ito.
Kumakailan, nagdaos ang Unibersidad ng Pilipinas ng academic congress, at isa sa naging paksa ang karapatan sa kalusugan ng bawat mamamayan. Iprinisinta ni Dean Alberto Romualdez, Jr. ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila Graduate School for Health Sciences at dating dekano ng College of Arts and Sciences, University of the Philippines-Manila na si Fatima Castillo ang sesyon sa “Building Blocks to the Universal Enjoyment of the Right to Health.” Ang mga panelista ay sina Dr. Edelina Padilla-dela Paz at Dr. Elizabeth Paterno ng UP Manila College of Medicine habang nagsilbing moderator naman si Professor Mary Lou Alcid ng UP Diliman College of Social Work and Community Development.
Inilarawan ni Dean Romualdez ang kalagayan ng health care sa bansa sa pamamagitan ng mga nakaka-alarmang numero. Alam mo ba na 70% ng mga health workers ay nagtratrabaho sa mga pribadong ospital na naglilingkod sa kakarampot na 30% populasyon ng Pilipinas? Habang ang nalalabing 30% ng mga health workers ay di magkanda-ugaga sa pagsilbi sa karamihan ng mga Pilipino. Sa sampung ospital na may pinakamalaking claim sa Philhealth, isa lang dito ang pampubliko. Nangangahulugan lamang na di nakikinabang ang maraming mahihirap sa Philhealth. Nung 2005, ang total health expenditure natin ay 3% lamang ng ating GNP, halos kalahati ng 6% na itinalaga ng World Health Organization na pamantayan ng minimum na dapat inlalaan ng isang gobyerno para sa health expenditure . Ipinapakita nito na hindi prioridad ng gobyerno ang kalusugan.
Para kay Dr. Padilla-dela Paz, ang mga gamot ay dapat abot-kamay ng bawat mamamayan. Ito ay karapatan ng bawat Pilipino kaya nararapat lamang na ibaba ang presyo ng mga gamot sa merkado at bantayan ang kalidad ng mga ito. Isa rin sa mga mungkahi ni Dr. Padilla-dela Paz ang pagsali ng mga outpatient drugs sa Philhealth coverage.
Binigyang-diin naman ni Dr. Fatima Castillo ang reproductive rights at reproductive health. Pinasilip nya ang mga dumalo sa buhay ng isang ina. Kwinento nya ang pinagdaanan ni Dori. Nagpalaglag si Doridahil di na nila kayang mag-asawa ang buhayin pa ang pamilya at nung dinala siya sa ospital dahil sa pagdudugo, naging mapanghusga ang doktor na tumingin sa kanya. Ang kwento ni Doris ay kwento ng humigit kumulang 80,000 na Pilipina. At sa bawat araw, sampu ang namamatay dahil sa post-abortion complications.
Ayon naman kay Dr. Paterno, ang primary health care ay integral sa kalusugan ng komunidad. Sabi nga ni lola, ang sakit ng kalingkingan, sakit ng buong katawan. Kaya kung hangad ng ating bansa na umunlad, dapat lamang pangalagaan ang bawat mamamayan. Kung iisiping mabuti, di magkakasakit kung may sapat na pagkain at malinis na kapaligiran. Kaya ang primary health care ay naghahangad ding pabutihin at i-angat ang kalidad ng buhay ng bawat Pilipino.