Ni Liwliwa Malabed
Sa ginanap na academic congress kamakailan sa Unibersidad ng Pilipinas, isang plato ng maiinit na isyu at mga solusyon sa mga lumalalang problema ng ating lipunan ang inihain para sa mga susunod na mamamahala sa ating bansa.
Umikot sa iba’t ibang tema ang bawat sesyon, lahat napapanahon at may ugnayan sa isa’t isa. Kakulangan sa trabaho, public debt, ang usapang pangkapayapaan sa Mindanao, public health, diaspora ng mga Pinoy, urban policy, foreign relations, climate change at ang nalalapit na halalan. At parang mga sangkap sa paboritong sinigang, ang mga panelista at mga dumalo ay nagbigay asim, anghang at lasa sa mga diskusyon.
Mula February 1-5 ang academic congress na idinaos sa Malcolm Hall, College of Law, UP Diliman. Sa unang araw, dumalo at nagbigay ng mensahe ang president ng UP na si Emerlinda Roman. Sumunod naman nagsalita si Profesor Randolf David. Di ko pinalampas ang pagkakataong makinig kay Randy David. Marahil dahil nag-abang ako ng paliwanag kung bakit nagpasya siyang hindi na tumakbo laban kay Presidente Arroyo. Pwede ring gusto kong malaman ang sagot sa tanong na “What Truly Matters to the Filipino,” na siyang topic paksa niya.
Ayon kay David, ang tunay na mahalaga sa mga Pilipino ay ang mga kaugaliang nasa ating kamalayan bilang mga mamamayan ng ating bansa. At ang mga ito ay nagbabago sa paglipas ng panahon. Sa nakaraang tatlumpung taon, malaki ang inmpluensiya ng diaspora ng mga Pilipino sa iba’t ibang sulok ng mundo upang makipagsapalaran sa sari-saring hanapbuhay. Sa ngayon, siyam na milyon o sampung porsyento ng ating populasyon ay nagtratrabaho o naninirahan sa ibang bansa. Tayo ay pangatlo sa mga bansang may pilakamalaking bilang ng mga migrante. Sa isang taon, isang milyong Pinoy ang lumilisan ng Pinas. Ibig sabihin, sa bawat araw sa isang taon, mahigit isang libong pamilya ang nawawalay sa kanilang mahal sa buhay. Dati, nung lumalaki ako, mga kakilala o kakilala ng kakilala ko lang ang may kamag-anak na nagtratrabaho abroad. Ngayon, parang apoy na kumalat, ang kapatid kong lalake ay nasa Africa na, kumakayod para mapabuti ang buhay ng kanyang pamilya.
Parang naglalako ng pagkain, ang kasalukuyang gobyerno natin ay pinapasigla pa ang labor export natin. Kasi naman, dalawampung bilyong dolyar ang pinapadala ng mga bagong bayani sa ating bansa taon-taon. Di nagkulang ang administrasyon sa pagbenta ng mga Pinoy, di sila nagkulang sa paghikayat sa atin na mangibang-bansa, pero kulang na kulang naman sila sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga Pinoy abroad. Kulang proteksyon ang mga kababayan natin pagtungtong sa ibang lupain na may mga batas at kulturang malayo sa kinalakhan natin.
Pero may good news si David. Sabi nya, ang pangyayaring ito, bagamat binabago (sinisira?) ang istruktura ng pamilyang Pilipino, ay may dulot din namang maganda sa kalaunan. Naniniwala si David na ang mga OFW ang may kakayahang magbago ng ating lipunan. Sila daw na nanirahan sa ibang bansa, na nakihalubilo sa mga banyaga, at nakaranas ng ibang kultura ay may bukas ang isip sa pagbabago. Sila daw na malayo sa pamilya at sa ating bayan ang mas makabayan at may malasakit sa Pilipinas. At dahil na rin sa modernong teknolohiya, silang mga Pinoy abroad ay patuloy na sumusubaybay sa mga pangyayari sa ating bansa, talo pa ang mga Pilipinong naninirahan mismo dito. Mas masipag din ang mga Pinoy sa ibang bansa, meron silang work ethics na di mapantayan. Ang mga katangiang ito ay siyang kailangan ng ating lipunan upang harapin ang hamon ng pagababago patungo sa modernong lipunan.