Ni Liwliwa Malabed
Kung nanalo ka sa Lotto, anong bibilhin mo? Madali lang ang tanong na ito. Pag ibabato mo sa mga Pinoy na makakasalubong sa lansangan, automatic ang sagot: bahay. Nakakatawa kasi uniform ang sagot at walang kaabog-abog. Kasi nga naman, sa ating bansa, ang tanging paraan para magkaroon ng sariling bahay ang karamihan (ang ilan?) ay kung mananalo sila ng Lotto. Para tuloy lumalabas na imposible magkabahay sa Pinas, kasing labo ng tyansa na tatama ka sa Lotto Pero katulad ng maraming mamamayang nananalig na sweswertihin din ang inaalagang numero nila, maraming Pilipino ay nangangarap pa ring magkabahay. Sa taong ito, ayon sa Housing and Urban Development Coordinating Council, may 3.6 miyon na pangangailangan sa pabahay at patuloy itong lalaki sa mga susunod na taon dahil sa paglobo ng populasyon natin at sa tumitinding urbanisasyon. Sa Metro Manila, 544,609 o 21% ng mga pamilyang naninirahan dito ay mga squatter, at mahigit sa 80,000 ay nakatira sa mga mapanganib na lugar.
Sa nakaraang academic congress sa Unibersidad ng Pilipinas, isa sa pinag-usapan ang pabahay at ang urbanisasyon. Nagsalita sina Dr. Cayetano Paderanga Jr. ng UP Diliman School of Economics, Ernesto Serote, dating propesor ng UP Diliman School of Urban and Regional Planning, at Dean Danilo Silvestre ng UP Diliman School of Architecture. Maging ang moderator ng sesyon na si Dr. Toby Melissa C. Monsod ng UP Diliman School of Economics ay nagprisinta rin ng kaniyang papel.
Binigyang linaw ni Dr. Paderanga kung bakit dinudumog ang Manila at iba pang siyudad. Ito ay dahil na rin sa “socio-economic forces”—karamihan sa mga malalaking kumpanya ay nasa lunsod kaya nandito rin ang trabaho. Meron kasing di pantay na development sa ibang rehiyon ng bansa at dahil mabagal ang pag-unlad sa mga lugar na ito, kakaunti lang ang oportunidad. Sa ngayon, 60% ng buong populasyon ng Pilipinas ay nagsisiksikan sa mga syudad katulad ng Metro Manila, Cebu, Davao at iba pa.
Ayon naman kay Prof. Serote, kailangan daw ang “social justice” sa pagpapatupad ng housing at urban development. Sa alokasyon ng pondo sa mga local na gobyerno, dapat daw taasan mula 40% to 60%. Ang 40% ay ipapamahagi sa LGUs base na rin sa populasyon at land area nito. Ang dagdag na 20% ay i-allocate sa mga lugar na may matinding pangangailangan (halimbawa sa mga madalas salantahin ng bagyo) at sa mga natatanging LGUs na may mahusay na performance.
Sumasang-ayon naman si Dr. Monsod na may malaking papel ang LGUs sa produksyon ng mga pabahay. Pero sa dami ng mga ahensya ng gobyerno, nagiging magulo ang implementasyon. Dapat may area level na syang mamamahala sa mga kalapit na lokal na gobyerno pagdating sa urban planning. At isang ahensya sa national level na mangangasiwa sa mga area levels.
Para kay Dean Silvestre, may dalawang mukha ang mga siyudad: maganda at pangit. Kung dati daw, ang Manila ay nangunguna sa mga karatig na bansa sa Asya, ngayon ay nangungulelat ito at isang dahilan ang kawalan ng komprehensibang land policy ang gobyerno. Mainam daw magkaroon muli ng Metropolitan governance. Kailangan ding palaguin at patatagin ang mga bagong “regional broad centers,” at isang paraan dito ang paggawa ng magandang mga daan na magdudugtong sa mga lunsod sa mga karatig na bayan.
Sana makarating ang mga panukala nina Dr. Paderanga, Prof. Serote, Dean Silvestre at Dr. Monsod sa mga kandidatong kaliwa’t kanan ang pangako. Ako, may maayos na trabaho pero di ko nakikita ang sarili kong magkakabahay, paano pa kaya sila?
“Bahay” ni Gary Granada
Isang araw ako’y nadalaw sa bahay tambakan
Labinglimang mag-anak ang duo’y nagsiksikan
Nagtitiis sa munting barung-barong na sira-sira
Habang doon sa isang mansyon halos walang nakatira
Sa init ng tabla’t karton sila doo’y nakakulong
Sa lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong
Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato
Hindi ko maintindihan bakit ang tawag sa ganito
Ay bahay