Ni Eva Callueng
‘Kilalanin natin ang ating kapaligiran,’ say ni Chiz habang hinihimay niya paisa-isa ang mga konseptong idinugtong sa epekto nila Ondoy at Pepeng. Oo nga naman, ang ganda ng analohiya niya. Natural na kung may kaaway ka at may hindi ka magandang narinig laban dito, malamang na hampasin mo na lang siya ng tubo o di kaya’y tambangan sa kanto at walang sabi-sabing gumanti dito. Di tulad kung kakilala mo, may tsansa na magsigawan muna kayo, singilin sa pagkakautang, magmurahan saka maghampasan. Nakakatawa subalit may tarak ang dating nun. Oo nga naman lahat tayo ay pawang nagulat sa biglang paniningil ng mga nakaraang kalamidad. Susmaryosep, di na tayo nasanay na daanan ng mga mapanirang bagyo. Ang kaibahan lang ay ang kahandaan natin sa pagdalaw nito. Bunga ng pagbabago ng klima at ang masaklap na ‘appetizer’ na binigay sa bansa ay marami sa atin ang biglang napaisip na ungkatin ang ugat ng mala-sumpang inabot ng marami nating kababayan.
Lahat pantay-pantay! ‘All is fair in love and war,’ ika nga
Walang pinatawad ang bagyo, parang hoodlum na kahit bata damay pero ang kaibahan ay pag-iwan ng milyong taong naging saksi sa lupit nito. Walang mayaman at walang mahirap. Tama pa rin si Chiz, dahil lahat naman siguro sa atin ay nakibahagi sa pagrerepake ng bigas, noodles, de lata at kung anu-ano pa. Lahat gumamit ng plastic upang maibalot ang mga ito. Mga plastic na isa sa mga sanhi ng malawakang baha sa iba’t ibang panig ng bansa. Sa mga nabahaang lampas-tao ang taas, paano kaya nila mailuluto o mapapakinabangan ang mga de lata, noodles at bigas kung sa paligid nila ay tila walang katapusang tubig ang nakikita nila? Malinaw ang punto na tuluy-tuloy tayong hahampasin nang harap-harapan hangga’t hindi natin kikilanlanin ang isa’t- isa. Kung alam lang sana natin ang kalibre ng bawat isa eh di sana ay napaghandaan natin kung anong bwelta ang maaaring gawin ng kapaligirang inabuso natin.
Back to Basics: Getting to know each other again!
Noong panahon ni Pangulong Macoy, nakapagpamigay ng fortified na Nutribun para solusyunan ang lumalalang problema ng malnutrisyon. Hanep ang istilo kasi simple subalit tiyak na epektibo ang konseptwalisasyon at pagpapalaganap nito. Dagdag pa ni Chiz na magandang i-adopt ang ganitong gawain upang lalong mapaigting ang sabay sabay na pagresolba ng problema ng lipunan. Simple lang ito pero epektib at aprub! Papangalanan ko halimbawa ang maaring masolusyunan nito: ang malnutrisyon bunga ng kahirapan at lumolobong populasyon, at lalong higit ay ang pagtutulay sa kumakalam na sikmura ng mga nabahaan nating kababayan.
Ang pag-alam sa kasalukuyang kalagayan lalo na sa aspetong pagbabago ng klima at epekto sa lumalaking populasyon ay importanteng masuri mabuti para naman kahit ano pang natural na kalamidad ang dumating ay kilala natin ito at ang kaya nitong gawin sa ating bukas.